Monday, July 16, 2007

Saan ba nakakabili ng spark?

Iyan ang tanong sa akin ni Marco, isang kaibigan. May umaaligid daw kasi sa kanya na matinong lalake, kaya lang, wala siyang maramdamang spark. Kaya nagtatanong siya kung saan nakakabili ng spark.

Hindi ko alam ang sagot. Kung alam ko lang, eh di sana matagal na akong pumila para mamakyaw. Kailangan ko rin ng spark. Maraming-maraming spark.

Ano ba ang spark?

Ito iyong kuryente na nararamdaman mo kapag kasama mo ang isang tao. Iyong nanlalambot ang tuhod mo. Iyong parang nauutal ka at ayaw gumana ng motor skills mo. Iyong kahit na anong gawin at sabihin niya, o kahit wala siyang ginagawa o sinasabi, kinikilig ka na. Kung hindi mo naman siya kasama, nangingiti ka kapag naiisip mo siya.

Ang tawag dun... spark.

Magic.

Kilig.

Kuryente.

At iyon din ang hinahanap ko ngayon.

May isang lalaking may gusto sa akin. Mabait siya. May hitsura. Matino.

Stable. Mature. May napatunayan na sa buhay. Maalalahanin. May konting sense of humor. At alam ko, aalagaan niya ako.

Siya iyong lalaking nanaisin mong makasamang tumanda. Kung pwede nga lamang ang kasal, siya yung lalaking iuuwi mo sa nanay mo at alam mong magiging mabuting asawa.

Pero wala akong maramdamang "kilig." Walang magic.

Lagi kong sinasabi, "He's a 'good on paper' guy, pero walang spark. Kahit kiskisan ko man ng bato... wala talaga!"

Sabi ng mga kaibigan ko, hindi na daw importante ang spark. Hindi daw ito tiket para sa isang masaya at tumatagal na relasyon. Maraming factors ang dapat i-consider, hindi lang spark...

Aanhin mo ang spark kung lagi naman kayong nag-aaway? Aanhin mo ang spark kung hindi naman kayo nagkakasundo sa mga bagay-bagay? Kung hindi naman siya puwedeng mag-commit? Kung alam mo naman na masama siya para sa iyo?

Noong huling usap namin ni Marco, sabi niya, baka daw bigyan na niya ng chance iyong manliligaw niya, kahit wala siyang maramdamang spark.

Pati tuloy ako, napapaisip na rin... Itutuloy ko ba kahit na walang spark?

Magiging masaya kaya kami, kahit na hindi ako kinikilig sa kanya?

Importante ba talaga ang "magic" sa isang relasyon?

"Baka naman nasa atin lang ang problema," dagdag ni Marco.

Mali nga ba ako kung maghanap man ako ng spark sa isang relasyon? Pang teenager na nga lang ba iyong "nanlalambot ang tuhod" chuva at kapag nasa 20s ka na ay nakakasuka na ang humangad ng kilig?

Siguro nga masyado na akong matanda para maghanap ng lalaking magbibigay sa akin ng "kilig" dahil hindi naman kami mabubusog doon at hindi rin puwedeng pambayad ng bill namin sa condo ang spark.

But I am also old enough to know what I want in a guy... and having that "kilig" feeling is one of them. At para sa akin, ang pakikipag-relasyon sa isang taong walang spark, ay maitutumbas na rin sa pagse-settle.

At ayokong mag-settle.

Pero di ako nawawalan ng pag-asa. Malay mo ngayon, walang spark. Pero eventually, sa tamang panahon, baka magka-spark na.

Kung paano, hindi ko alam...

Meron kayang binebentang spark sa pinakamalapit na Mercury Drug o Mini-Stop?

Saan nga ba nakakabili ng spark?

No comments: