Wednesday, January 9, 2008

So, naninigarilyo ka na naman?


“So, naninigarilyo ka na naman?”

Gusto ko ang opening line niya. Napaka-ordinaryo pero dahil nasa akin ang buong atensyon niya ng araw na iyon, masaya ako. Medyo maaskad ang pagkakabitiw niya ng tanong pero dahil parang droga ang tama niya sa akin, natural lang na hindi ako maasar.

So, nginitian ko siya sabay sabi ng ganito: “Wala to pauso lang ako.”

“Anong pauso? Masama yan.”

“Di naman. May iniisip lang kasi ako, kaya naisip kong manigarilyo.”

“Bakit di ka ba makapag-isip ng walang nakasuksok dyan sa bibig mo?”

“Nakakaisip naman kaya lang ano kasi mas nakakapag-isip ako ng mabuti pag me ganito eh.”

“So, ano, naka-depende ka na lang dyan habang buhay?”

Tila bad mood sya nung araw na yun. Actually bad mood din ako eh, kaya lang ayoko siyang sabayan. Mahirap sabayan ang galit nya, malamang sa hindi ako ang talo.

“Sabi ko nga, di na ko magsisigarilyo uli eh. Eto nga’t papatayin ko na o!”

So there goes my cig.

My last one.

Down the wet, cold earth.

It goes.

Like a rotten shit.

Dead.

“Ahm, nabasa mo na ba yung Love in the Time of Cholera ni Gabriel Garcia Marquez?” Bigla ay hirit ko. Gusto ko lang ibahin ang usapan. Although kating-kati na akong pumunta sa pinaka-malapit na tindahan para bumili ng stick.

“Ah yun? Oo naman di ba pinagduldulan mo pa nga sakin yun dati? Bakit mo naitanong?”

“Wala lang, naalala ko lang yung bidang lalake dun, si Florentino Ariza, alala mo?”

“Yup, yup. O bakit mo siya naalala?”

“Ano kasi, feeling ko kasi ako sya.”

Mula sa kawalan, biglang napatingin sya sa ‘kin. Seryoso yung mukha. Dead-serious. To the max. Ilang minuto lang biglang nagbago na yung reaksyon ng mukha niya tapos bumunghalit siya ng tawa. Yung klase ng tawa na pang-asar, yung nakakaloko.

Pero natutuwa ako pagganito ang itsura niya. Lumalabas ang pamatay niyang ngiti. Anak ng teteng. Kung pwede ko lang siyang bulungan ng ganito: Mahal kita, sobra, lampas langit, lampas impyerno. Gagawin ko, kung pwede. Kahit magmukha akong naghahabol na aso. Pero hindi pwede.

Sa totoo lang, hindi siya guwapo. Wala siyang dating kahit saang angulo ng mukha mo tingnan. Mapuputing ngipin lang ang salvation niya. Ordinaryo lang ang mukha niya, yung tipong lalampasan mo lang ng tingin sa karamihan kasi nga wala naman siyang katangian na magpapabalik sa iyo ng tingin. Sa katunayan, sa sobrang ordinaryo ng mukha niya, iisipin mong pangit siya o dahil walang dating, boring at walang sense kausap.

Pero kasi, iba kse sya. Ordinaryo man siya sa itsura, hindi ordinaryo ang isip niya. Tiklop ako, supalpal, barado, madalas mukhang tanga. Siguro ganoon ako, gusto ko yung pinagmumukha akong tanga para malaman ko na wala naman talaga akong binatbat. Na sagana lang ako sa tula at walang kwentang kuwento. Siya yung tagapag-paalala ko na wala akong karapatang magmalaki sa mundo kasi may mga taong katulad niya.

Sabi ng konsensiya ko: ”You’re just a little, dark dot... nothing more, nothing less.”
“Nyak. I-ikaw? Feeling mo si Florentino Ariza ka?” Tapos tumawa uli siya ng malakas.

Naisip ko, s##t, nakakatawa ba talaga yung sinabi ko? Seryoso naman ako. Akala ko pa naman intellectually stimulating yung binuksan kong topic.

“In what ways were you two alike? Baket impassioned nympho ka rin ba? At sino naman ang iyong Fermina Daza? Tapos tumawa uli siya.

Kung ibang tao lang siguro ang kaharap ko, malamang naupakan ko na sa mukha. Seryosong seryoso ka sa pakikipag-usap, tapos bibirahan ka ng tawa. Dyahe yun. Badtrip.

“Naisip ko lang na parang ako si Florentino in the sense na pareho kaming engot pagdating sa pag-ibig. We both take pleasure in the pain of unrequited love. Parang ganun.”

“Namputcha naman yang mga hirit mo. Yuck. Kelan ka pa nahilig sa love and all those mushy bullshit. Akala ko pa naman astig ka. Yuck ka!”

Bigla akong natameme. May mga lalake din palang OA mag-react. Tapos sinisi ko ang sarili ko kung bakit nabanggit ko pa sa kanya yung lintek na librong yun. Bigla akong nahiya. Pero nag-try akong bumawi. Kahit supalpal na, lalaban pa din ako.

“Ano kasi, ala lang, naisip ko lang kasi. Siguro nga malayo kami ni Florentino sa ilang aspeto pero kase naisip ko, possible naman yun di ba? Putek, di bale na nga lang kalimutan mo na lang na nabanggit ko yun.”

Siyempre pakunsensya epek ako. Tapos, nahalata niya siguro na medyo nag-iba yung panlasa ko. Gusto ko na nung mag-walk out kaya lang di ko magawa. Nahiya ako, gusto ko pa naman sanang magpa-impress.

“Sus. Kaw naman, tampo agad. Alam mo kasi, ano eh, gago kase ang dating sa ‘kin ni Florentino dun sa book. Tragis, sino bang sira-ulo ang maghihintay ng 55 years para lang maangkin ang taong minamahal niya? I mean, alam mo yun, tapos kung kani-kaninong babae siya naki-pagsex tapos igigiit niya na all through those long years, he remained pure and virgin for Fermina. That’s bullshit. Wala, sira ulo lang ang mga taong gumawa nun. I mean, siguro magkakagusto ako sa isang babae, pero hindi ako ganoon ka-martir na mag-iintay ng kalahating century para sa babae.”

Natameme uli ako. Hindi ako sang-ayon sa sinabi niya. Nagmamarakulyo ang isip ko sa mga binitawan niya. Gusto kong sabihin na may ganung klase ng pag-ibig. Na merong mga tao na willing mag-hintay ng ilang taon para lang maibalik sa kanila yung pag-ibig na matagal nilang itinanim. Gusto kong sabihin sa kanya na pwedeng mangyari yun, na kaya ko nasabing nakaka-relate ako kay Florentino dahil pakiramdam ko, duon ako patungo ngayon. Gusto kong i-explain sa kanya na totoo si Florentino Ariza, na pwede siyang mag-exist. Pero siyempre natameme na naman ako. Supalpal. Sapol na sapol.

“Onga, kabaliwan siguro yung pinagsasabi ko. Siguro nga sira ulo si Florentino Ariza. Sige, kalimutan mo na yung sinabi ko. Malayong maging ako si Florentino Ariza.”

“So ano, tara na, pasok na tayo sa loob?”

“Ahm, dito muna ko. Magpapahangin lang.”

“Sure ka? O sige. Basta wag ka na lang magsisigarilyo ha?”

“Sige. Pramis.”

Para makasiguro, kinuha nya yung lighter ko. Tapos nakangiti siyang pumasok sa loob. Ako, naiwan sa labas, nag-iisip pa rin. Tumingala ako sa langit pero wala akong langit na nakita... puno lang ng saging. Tapos kinapa ko ang bulsa ko. Meron pang naiwang isang stick.

I smiled.

A foolish one.

Because somehow I knew I’ve fooled him.

But I’m dead.

Foolish are fooled not once.

Ginala ko ang tingin ko tapos, nakisindi ako ng siga.

No comments: