Saturday, February 28, 2009

Salamin, salamin, salamin sa dilim...


"Musta lakad mo kanina? Parang masigla ka ata." Sabi mo habang naghuhubad ako ng sapatos.

"Ayos lang. Nagkita uli kami."

"Sino? Ang dati mong boyfriend?"

"Oo. Naghiwalay na ata sila ng boyfriend niya. Nagtext siya sa kin kagabi kung pwede daw kaming magkwentuhan. Di pumunta ako. Parang wala naman kaming pinagsamahan kung di ako pupunta, di ba?"

"Sa bagay. Bakit naman daw ikaw ang tinext niya? Wala ba siyang ibang matext?"

"Ewan ko. Hindi ko alam. Ang dami namang nanliligaw sa kanya. Malay mo miss nya ako?"

"Asa ka pa. Ano naman kwinento sa iyo"

"Birthday niya kasi nung December. Bakit daw hindi ko siya tinawagan. Hindi ko rin daw siya niregaluhan noong pasko. Hindi ko nga siya maintindihan kasi hindi naman niya ako boyfriend. "

"Baka naman na-realize niya na ikaw mahal niya."

"Hindi ko alam. Sinabi rin niya yung naging problema nila ng boyfriend niya kaya nagkahiwalay sila. Pumayat nga siya. Parang ang daming iniisip. Pinapatawa ko nga eh."

"Ano namang pakiramdam noong nagkita kayo? Ngayon lang kayo nagkausap uli pagkatapos ng hiwalayan ninyo di ba?"

"Oo. Wala lang."

"Sige matutulog na ko. Bukas na lang tayo magkwentuhan uli."

Napansin mo siguro na natahimik ako. Naalala ko kasi ang mga matang yon. Kahit hindi niya sabihin sa kin. Alam kong iba pa rin mahal niya. Akala ko wala na kong mararamdaman nang magkita kami pero bakit naiinggit ako sa lalaking yun? Noon pinili kong lumayo para makasama niya mahal niya. Pero nasaktan lang pala siya. Naisip ko siguro mabait lang siya sa akin ngayon kasi wala siyang makausap. Pero naniniwala pa rin ako sa lahat ng sinasabi niya. Habang nag-uusap kami gusto ko siyang yakapin. Gusto kong sabihin na mahal ko pa rin siya. Pero hindi ko nagawa.

Gusto ko pa sanang makipagkwentuhan sa iyo pero inaantok ka na pala. Sige bukas na lang kita kakausapin, pagharap ko uli sa salamin.

No comments: