Wednesday, January 23, 2008

Ano nga ba kse ang favorite color mo?


“Anong favorite color ko?”

Natigilan ka sa pagsubo ng cheesecake na gawa ko sa bibig mo.

“Saan naman galing yung tanong mo?”

“Wala lang.”


Ngayon lang sumangga sa utak ko na isang taon na pala. Labingdalawang buwan. Tatlong-daan at animnapu’t-limang beses na umikot ang mundo mula ng magkakilala tayo. Pero ni hindi ko man lamang alam kung ano ang favorite color mo.

Mas mabilis ko pa yatang matatapos ang isang exam na ang mga tanong ay yung tipong: “What is the maximum temperature that can be reached by the combustion of methane with 20% excess air? Both methane and the air enter the burner at 298K.?”

Kaysa sa: “What is his favorite color??”

Kung ganyan ang tanong na nasa exam ko, kahit pa siguro “up-to-sawa”, hindi lalapat ang ballpen sa papel ko. O di kaya naman nagmukha ng coupon bond yung yellow paper sa dami ng correction fluid na magagamit ko. At pihadong ma-si-singko ako.

Bigyan mo ako ng slumbook at yung unang limang linya lang ang masusulatan ko.
Name: Oo naman alam ko yun siyempre pati na rin nickname. Haller?

Birthday: Binati naman kita nung birthday mo. Siyempre hindi ko makakalimutan yung date noh. Saka ka-birthday mo pinsan ko.

Zodiac Sign: Sus. Ang dali lang hulaan nito. Malamang alam ko ‘to kasi alam ko birthday mo. Wala naman sa gitna ng dalawang zodiac signs ang birthday mo. May mga birthday kasi na depende sa dyaryong binabasa mo kung ano ang zodiac sign mo.

Address: Basta ang alam ko taga-Quezon City ka, di ko nga lang talaga sigurado kung saan. Malapit yata sa EDSA.

Telephone Number: Mandaraya pa ako. Naka-store naman landline mo sa cell ko eh.
Pagdating sa “favorites?”

Tenenenen.

Favorite:

Color: Uhmm “blue?” Stereotypical lang. Siguro kasi lalaki ka.

Food: Kinakain mo naman lahat eh, paano ko malalaman? Bottomless pit pa man din yang sikmura mo. Kaya nga ang taba mo ngayon eh. Bola-bola siopao. Saka siyempre cheesecake ko.

Sport: Without a doubt. BASKETBALL.

Song: Half-life by Duncan Shiek? Lagi ko lang kasing naririnig yung statement na half-life galing sa’yo. Saka naalala ko rin na may sinabi kang gusto mo yun.

Singer: Malamang Duncan Shiek.

Movie: Dito medyo sigurado ako. The Matrix. Pati na rin yung Reloaded and Revolution.

Actor: I don?t think just because you like the Matrix you like Keanu Reeves as well.

Actress: Maui Taylor? Aubrey Miles? Lahat ng nag-pose para sa FHM calendar? Based lang lahat ng assumptions ko sa mga naka-dikit sa dingding ng kwarto mo.

Book: The Alchemist? You just seem to quote so much from it.

Author: Paulo Coelho? For obvious reasons.

The list could go on and still manghuhula pa rin ako. I just realized that I hardly know you at all. Ni hindi ko man lang alam kung ano ang mga hilig mo. Pero kahit na ganito ang kaso minahal pa rin kita. Hindi naman kasi kita minahal dahil sa pareho tayong fan ng LA Lakers. At lalong hindi naman mawawala yung pagmamahal ko sa’yo kung nagkataon na si April Boy ang favorite singer mo.

Minahal kita dahil sa kung ano yung ikaw na nakilala ko. Yung pagpunas mo ng luha sa mukha ko sa tuwing umiiyak ako. Yung pagdala mo ng pandesal sa umaga nung hindi ako natulog dahil sa tinapos ko ang presentation ko para sa boss ko. Yung pagukunwari mong nasasaktan ka tuwing hinahampas kita. Yung pagpilit mo sa ’king ngumiti kahit pa sukdulan naman yung kakornihan ng joke mo. Yung nag-star gazing tayo sa field habang nakahiga ako sa braso mo. Yun ang mga katangian mong minahal at pinahalagahan ko. Pero malamang kung si April Boy ang favorite singer mo, na-turn off ako. Pero kaunti lang.

“Hulaan mo?”

“Hay, ‘yan ka na naman. Pahihirapan pa akong manghula, hindi na lang sabihin."

Kunwari nag-isip ako.

“Blue?”

Ngumiti ka.

“Green?”

Sa hindi ko na alam kung pang-ilang pagkakataon, mali na naman ako. Tulad ng maraming pagkakamali na una kong nagawa. Mali ako nung hinulaan kong blue ang kulay ng pinto ng apartment mo, pink pala. Mali ako nung inakala kong bunso ka. Mali ako nung inakala kong iisa lang yung ate mong gagawan natin ng cheesecake at yung ate mong kasama mo sa apartment. Mali yung pagkakabasa ko sa mga ikinikilos mo.

Mali yung inakala kong there was something existing between us. Kasi nung hinayaan ko ang sarili kong mahulog, wala ka palang balak saluhin ako. Ang dami ko tuloy tinamong pilay at sugat. Mga sugat na hindi ko alam kung kalian gagaling ng tuluyan. Mali rin yung inisip ko that there could have been something existing between us kung hindi lang ako tanga. Kasi bumaba ng sukdulan ang self-esteem ko kakasisi ko sa sarili ko. Lalong mali yung umaasa pa rin ako that someday maybe, just maybe, something would be existing between us. Dahil habang patuloy akong umaasa, lalo mo lang akong pinapatay. Kaya nga mali rin siguro na magkaibigan uli tayo.

Pero hindi ko itinuturing na pagkakamali yung minahal kita. Oo, nasaktan ako ng sobra at sinubukan kong lunurin ang sarili ko sa bote-bote ng beer, pero yung sandaling panahong ipinaramdam mo sa ‘kin na mahalaga ako ay isa sa pinakamasasayang sandali ng buhay ko.

Pero dapat ko ng tanggapin na hindi ka talaga para sa ‘kin at dapat na kitang pakawalan. Wala ng silbi yung patuloy ko pang hayaan na sa’yo umikot ang mundo ko. Alam kong magmamahal uli ako, pero hindi pa ngayon.

Kung kailan, hindi ko alam.

Sana lang kapag dumating na ang araw na magmahal uli ako, tumama na ako na blue ang favorite color niya.

Unti-unti ka ng umaalis sa buhay ko pero hindi ko pa rin alam kung anong favorite color mo...

Ano nga ba kse ang favorite color mo?

No comments: