Wednesday, April 25, 2007

Ang kwento ko ay malamang kwento mo rin…

Kung papipiliin ka, ikaw ba ay isang mabuting tao na paminsan-minsan ay nakakagawa ng masama, o isang masamang tao na paminsan-minsan ay nakakagawa ng mabuti?

Ako?

Yung pangalawa ang sagot ko. Kasi pag ang tingin ko sa sarili ko ay mabuti, malulungkot lang ako tuwing makakagawa ako ng masama. Pero pag ang tingin ko sa sarili ko ay masama, matutuwa ako tuwing makakagawa ng mabuti sa ibang tao.

At maganda yun dahil sawa na akong malungkot.

Kailangan ba talagang isaalang-alang ang ibang tao bago mo masabing dapat ka ngang maging masaya? Hindi ka ba pwedeng maging masaya, dahil lang gusto mong maging masaya?

Bakit maraming taong mahilig makialam sa kaligayahan ng iba? Malamang dahil iniisip nilang wala kang karapatang maging masaya. Pero mas malamang na wala kasing nagpapasaya sa buhay nila.

Mas napapasaya ka ba ng sarili mo? O ng ibang tao? Masama ba kung masaya ka sa buhay dahil sa mga nagawa mo para sa sarili mo, at hindi dahil sa mga nagawa mo para sa ibang tao at mga nagawa ng ibang tao para sa iyo?

Hindi siguro masama, pero malungkot. Na lalong nagpapagulo sa usapan. Isipin mo, malulungkot ka dahil ikaw lang ang nagpapasaya sa iyo?

Babalikan mo ang mga bagay na bumuo ng mga araw mo sa loob ng maraming taon. Naging masaya ka nga ba? O niloko mo lang ang sarili mo na masaya ka?

Kung kailangan mo pang kumbinsihin ang sarili mo na dapat ka ngang maging masaya, paano mo masasabing masaya ka nga?

Kaya naman sisimulan mo ang paghahanap ng kaligayahan. Ikaw ay hihiling, maghihintay, aasa at mabibigo.

Paulit-ulit.

Ayos lang sa iyo. Tutal, pangako mo, kapag nahanap mo na ang hinahanap mo, magiging masaya ka na 'di ba?

Ang mahirap maintindihan, bakit kapag nasa harap mo na ang isang bagay na maaaring magpasaya sa iyo, saka ka naman magtatanong, "Ano ba ang nagawa ko, bakit dumating sa buhay ko ang magandang bagay na ito?" Maiisip mong hindi ka karapat-dapat, kaya't ikaw ay lalayo at muling maghahanap.

Ano nga ba ang hinahanap mo? Hindi mo ba napapansin na may mga bagay hindi hinahanap pero kusang nagagawi sa landas mo?

Kailan mo kaya maiisip na hindi mo kailangang maging espesyal na tao para dumating ang isang magandang bagay na babago sa iyo?

Para iyon sa iyo, dahil ikaw ay ikaw. Hindi na kailangan ng dahilan. Bawat isa ay nararapat lang na maging masaya.
Sa halip tuloy na masaya ka na, pinalulungkot mo ang sarili mo sa pag-iisip kung paano ka nga ba sasaya.

May sense naman diba?

So masaya ka na ba talaga?

No comments: